Timtimang kapalaluan
Hinablot ng mangkukulam ang sinturon ng tagapagligtas ng babaeng kanyang bihag. Ibinalik niya ito sa lalaki ngunit ito na'y naging ahas sa muli niyang paghawak nito. Bigla na lang siyang napatalon palayo sa takot at naging duwag sa mga mata ng prinsesa. Sabi ng prinsesa sa kanyang sarili, 'Hindi ito ang aking tunay na tagapagligtas, sapagkat ako'y ililigtas ng aking iibigin, at ako'y iibigin lamang ng isang tunay na matapang na mandirigma.'
Samakatuwid pinaalis niya mismo ang lalaki sa kanyang harapan, na siyang napahiya nang dahil lamang sa sinturong naging ahas. Umuwi itong bigo at durog ang damdaming umaasa sa kamay ng prinsesang nasa panganib. Hindi niya lubos maisip kung bakit pinili pa ng babae na tiisin ang hirap na dulot ng kapangyarihan ng mangkukulam kaysa sa inaalok nitong tulong, ngunit hindi niya kayang tanggihan ang kahilingan ng babae, sapagkat ang babae ang siyang laging ginagalang kahit na'y ito'y nasa landas na hindi wasto.
Ilang araw ang lumipas at matamlay na ang prinsesa sa kakahintay ng kanyang prinsipeng tagapagligtas. Minsa'y inisip niyang tanggapin na lamang ang alok ng nakaraang duwag na lumaban para sa kanya kahit papaano, ngunit kinumbinsi niya ang kanyang sarili na kailangang magtiis. Ito ang tanging paraan ng isang martir. Ang dikta ng kanyang puso'y mas nanaisin niyang sundin kaysa sa payo ng kanyang utak. At ang sinasabi ng kanyang utak ay gawin ang praktikal na gawain ng isang taong nag-iisip. Hindi nagtagal ay lumalabo na ang dati niyang kagandahan. Bawat oras na lumilipas ay lalong kumukulubot ang kanyang balat, habang ang mangkukulam naman ay magalak na nakataas ang kamay hawak ang mahiwagang baston, na siya ring balat ay lalong kumikinis at namumuputi ng tatluhin sa nakaraang edad. Ang dating magulo at tumatandang, puting buhok ay ngayo'y naging makaharing itim, kumikislap sa ilaw na gawa ng baston, at tumutuwid na parang tunay na inaruga at ginuguan. Bago pa mang tuluyang naglaho ang kanyang kagandaha'y naisipan na niyang basagin ang kanyang pananahimik.
'Bruha, ako'y nakikiusap sa iyo. Kunin mo na ang lahat sa akin maliban na lamang sa aking mala-tsokolateng mga mata. Ito na lang ang natitira kong kayamanan sa buhay na nanaisin kong bigyang halaga.'
At naglaho ang ilaw na nagmumula sa baston. Tumigil ang mangkukulam sa kanyang pinaggagawa't tinuunan ng pansin ang babaeng kailan lang ay pantasya ng bawat kalalakihan sa mundo. Lumapit ito sa babae at hinablot ang malabuto nitong mga kamay palapit sa kanya.
'Nakikilala ko itong mga kamay, iha, sabi ng mangkukulam. 'Parang kahapon lang na ako'y nangarap tulad mo.' At siya'y napangiti sa kanyang mukha't para bang nandidiri. 'Bakit mo tinakwil ang tulong ng prinsipe? Hindi mo ba alam na siya lamang ang natitirang pag-asa mo sapagkat ako'y tanyag sa buong mundo bilang mamamatay-kabalyero. Ikaw ma'y tanyag dahil sa iyong kagandahan, ako naman'y tanyag dahil sa aking mapangahas na pamamaraan.' Umuuko man ang balat ng takipmata ng prinsesa'y pilit nitong binubuksan ang mga mata upang makita harap-harapan ng wasto ang kanyang taga-kitil. 'Ngunit ako'y hindi kabalyero, bruha.'
Napangisngis ang mangkukulam, at binitawan nito ang kamay na muntik ng madurog sa sobrang lambot. Dahan-dahan itong tumayo at napatalikod. Gamit ang baston, bigla na lamang niyang hinampas ang babae sa tagiliran ng napakalakas, at sa sobrang lakas ay napatulak ang katawan nito sa malayo. Sa sobra niyang pagkahina ay hindi na niyang magawang bumangon, at sa pagkabigla'y hindi na niya nagawan ilagan ang hampas. Ngunit ang prinsesa'y nananatiling gising at ngayo'y lalo pang nanginginig dahil na rin sa takot na mamatay at sa takot sanhi ng matinding paghihirap sa kamay ng kanyang mang-aapi. Lumapit muli ang mangkukulam sa harap ng prinsesa't nakatitig ito ng nakakabahalang mga matang nakatingin sa mata niyang simbolo ng natitira niyang pagmamahal at pagkatao.
'Kung tunay mong ninanais ang aking mga mata'y kunin mo na ang aking buhay,' binulas ng prinsesa.
'Aanhin ko ang matang walang buhay?' tanong ng mangkukulam. 'Mas nanaisin kong ito'y kunin mula sa iyo habang ika'y gising nang makita mo ang kaya kong gawin. At siyempre ako'y nagbibiro nang sinabi kong makikita mo iyon.' At siya'y napatawa ng matindi. Kahit gumanda man ang hitsura ng mangkukulam, hindi pa rin nito mawala-wala ang mga kinagawian nang siya'y nasa dati pa niyang posisyon. Katulad na lamang ng kanyang halakhak at pagyuko, nakadilat at mala-kahoy nitong mga daliri. Nang nakuntento na ang bruha'y bumalik na ito sa dati niyang seryosong tindig, at ulit nakahukay ang mga mata sa mga mata ng prinsesa. 'Hindi mo na kakailanganin pa ang iyong mga mata.'
At alam na ng prinsesa ang binabalak ng mangkukulam. Ito'y humahagulhol at humihingi ng huling pagkakataon. Pinipilit nitong ipagsaksakan at kaawaan, ngunit nakailaw na muli ang baston, at sa kabila ng pagmamakaawa'y nakabalik na ang pagngisngis sa mukha ng bruha.
Makalipas ang ilang mga sandali ay nagising muli ang prinsesa, ngunit nang binuksan niya ang kanyang mga mata'y nasa gitna pa rin siya ng kadiliman, na para bang pinatay ang ilaw ng lubusan. At bumalik sa kanyang alaala ang kanyang naranasan sa kamay ng mangkukulam. Hindi na niya maramdaman ang mabigat na kinalalagyan ng bruha, at siya ngayo'y nag-iisa na lamang at hindi alam kung nasaan. Tinapik niya ang sahig gamit ang malabutong nga daliri at naramdaman ang sakit ng tigas ng bato na umalab sa kanyang katawan. Kinailangan niyang lumapat gamit ang kanyang pang-amoy, pandinig at pandamdam, ngunit ang lahat ng ito'y hindi na katulad ng dati, dahil siya ngayo'y hinablot mula sa kanyang totoong katawan. Pilit niyang tumayo at nang hindi niya nakayana'y gumapang ito hanggang sa napauntog ang kanyang ulo sa isang puno sa kanyang harapan na inakala niyang bato sa mapanindig na balahibong hapdi. Sinubukan niyang sumandal na lamang sa puno at magpahinga, natuyo ng lubos ang buo niyang lakas at naghihingalo. Ninais na lamang niyang mamatay ngunit natatakot pa rin siya sa ideyang ito. Mas nanaisin niyang bumalik sa dati niyang anyo, ngunit alam niyang hindi tatagal ay siya ring wawakas. Namumuo ang poot sa kanyang damdamin dahil wala siyang nagawa para ito'y pigilan, ang lalong tumaas ang kanyang inis nang inaalala niya ang lahat ng kanyang mga manliligaw na hindi man lang sumipot at lahat ng ito'y totoong palang mga duwag. Paano na lamang ang itinakda para sa kanya? Akala niya kasi lahat ng tao may kapalarang natatapos sa kaligayahan. At nang siya'y nagising sa katotohana'y hindi niya na magawang iwasto pa ang kanyang mga pighati. Pinikit niya ang kanyang matang hindi na naroon, at siya'y muli napaidlip, at siya'y muling nagising sa pagpatak ng ulan sa kanyang mukha.
Nagsilbing kanlungan niya ang punong kinauupuan niya, ngunit hindi ito sapat para siya'y pangalagaan. Inalon pa rin siya ng malakas na ihip ng hangin at nilunod ng hindi mapahintong unos.
Kinabukasan, nang siya'y muling magising sa hindi niya malaman-laman na lugar, sinipa na siya ng kutob na ito na ang magiging araw ng kanyang pagkasawi. Hindi na niya makakayanan pa ang isang ulit ng pangyayari tulad ng huli. Binitag niya ang kanyang mga paa sa ilalim ng buhangin upang siya'y mapanatili sa iisang lugar. Nagbigay-dasal siya para sa kanyang sarili at sa kanyang kaluluwa, na siya'y makahanap ng katahimikan sa kabila ng namumuo niyang poot. At nang maalala niya ang lahat ng bagay na nagbibigay-inis sa kanyang puso ay siya'y biglang napaluha, at sa hindi niya maipaliwanag na pangyayari'y natuklasan niyang kahit ang bulag kaya palang umiyak. At siya'y parang tinamaan ng bakal na hinagpis na inilaban sa batong awa. Siya'y napalagay sa tahimik. At naalala niya sa kanyang huling sandali ang lalaking kanyang tinakwil, at siya'y humingi ng paumanhin, bago pinisil ng langgam sa kanyang noo ang huli niyang hininga, at siya'y pumanaw ng mapayapa.
Ilang taon ang nakalipas, balita na hinalay ng iilang mga kabalyero ang napapabalitang tunay na mangkukulam at pinuksa't pinugutan ng ulo't sinunog ang mala-tsokolateng mga mata. Hindi na nila natagpuan ang bangkay ng prinsesang nawawala, ngunit may nakapagsasabing may isang punong tinutubuan ng kulay-lila na mansanas, at sa ilalim ng punong ito'y may umuusbong na ugat, at sa tuwing umuula'y may lumalabas na babaeng may dalang umiilaw na baston. Ngunit walang makapagpapatunay rito marahil dahil na rin ito'y haka-haka lamang, ngunit nakakabahala ang balita tungkol sa baston sapagkat hindi nila nahanap ang mismong baston ng bruhang kanilang pinaslang. Pero nagpatuloy ang kanilang mga buhay ng normal at matiwasay hanggang sa dumating ang puntong kinalimutan na nila ang lahat.
Comments
Post a Comment