Proyekto: Bahaghari


Kanina’y naglakad patungo sa hagdang walang katapusan ang aking mga paa’t ngayon ko lamang napansing malapit na palang mapudpod ang kapal ng aking tsinelas. Hindi ko na matandaan ang unang beses na ako’y tumayo at saka gumapang sa daang hindi ko man lang naisip tawirin. Nagising na lamang ako sa katotohanang ako’y nag-iisa, naglalakbay sa mala-gintong bundok na aking kinatatayuan. Ako’y napangiti, napatingin sa aking paligid, at guminhawa ng malalim, at biglang napaisip kung ako ba’y nananaginip o gising.

Hindi nagtagal ay may narinig akong boses na galing sa malayo’t umaalingasaw sa hangin na parang amoy ng malansang isda sa palengke. Pilit ko mang intindihin ang sinasabi nito ay hindi ko magawa, na para bang ako’y niloloko ng aking kapaligiran, na para bang pinaglalaruan ng gintong bundok na ito ang aking isipan. Hangarin ko lamang ay magpahinga sapagka’t ako’y napapagod at nagugutom, at hindi ko alam ang aking unang gagawin. Kung ako ay nasa aking panaginip ay kinakailangang magising na ako. Hindi ko gusto ang mga ganitong panaginip na ako’y nag-iisa’t walang makausap. Mas gugustuhin ko pang managinip ng multo o aswang, iyon naman ay haka-haka lamang at kayang ihiwalay sa totoong buhay. Subalit ang mga ganitong panaginip ay mahirap ihambing sa pagbukas ng mata dahil mahirap ikumpara’t ihiwalay ang alin sa alin. Maaaring ako’y gising na hindi ko lang maalala at ito ang aking katotohanan, maaari ding sa ngayon, o maaari ding maging. Bukas ay may pasok pa ako sa trabaho. Minsan na nga lang ako nagsisipag, ito pa ang mangyayari sa akin?

Maya-maya’y lalong lumakas ang boses. At sa bawat bagsak ng kanyang salita ay lalong napapasayaw ang aking dibdib sa hindi magandang paraan. Ako’y nagsimulang kinabahan na walang dahilan. Biglang gumalaw ang lupa sa bawat salitang paulit-ulit na sinasambit ng boses na ito, at ako’y nangamba na para sa aking kaligtasan. Gusto kong tumakbo, ngunit saan? Gusto kong magising sa panaginip, pero kailan? Hinipan ng lumalakas na hangin ang aking magulong buhok at mabigat na bilbil, at sa mga oras na iyon ay inilawan ng araw ang aking mukha. At siyempre ako’y napatingin ng mahusay, hindi ko hangad na gantimpalaan ng grasya mula sa kalangitan. Bumalik ako sa biglang tahimik, at ang boses ay lalong humina, ang idlip ng buwan pumalit sa sikat ng maselang araw.

Sinimulan ko ang aking paglalakbay sa pamamagitan ng aking mga mata. Minamasdan ko ng mabuti ang aking paligid, kung may daan, o may lihim na maaring tinatago ang aking kutob. Kumuha ako ng ligaw na dahon sa lupa at sa hindi inaasahang paraa’y naalala ko ang aking iniwang pusa sa bahay. Sa aking isipa’y pinadalhan ko ng sulat ang aking alaga’t sinabing ako’y kanyang patawarin, na sana’y maintindihan niyang mahal ko siya higit pa sa aking sarili kahit hindi ko man araw-araw banggitin. Hanggang kailan lang, hanggang kailan ba, na ako ay mananatili rito’t kailangan ko pa siyang aalagaan.

Kasama ang maliit na dahong masipag, ako’y naglakad pababa patungo sa maberde at tahimik na ilog na naroon, ako’y nagbigay-dasal para sa aking kaligtasan at sa kaligtasan ng bawat nilalang sa buong mundo, sapagkat ako’y hindi matakaw at lumaki akong may paninindigang lagi kong gagampanan panghabang-buhay, na ako’y susunod hindi sa batas ng aking bansa o sa alin mang komunidad na aking kinalalakihan kundi batas ng pag-ibig, para sa aking sarili at sa lahat ng bagay na nagbibigay-ganda sa bawat bagay, maliit man o malaki, na itinaguyod ko ng buong-buo mula pa ng ako’y magkamulat sa mapangahas na reputasyon ng mundo. Habang iniisip ko ang mga bagay na ganito ay lalong tumatatag ang aking puso’t isipan. Hindi ko matiis isiping ako’y gawa ng lupa na aking kinatatayuan, at darating ang panahon na ako’y babalik rito’t mamamaalam para gamitin din ng iba para sa kanilang sariling makamundong paglalakbay. Bumalik ang malakas na boses. At mabilis ito’t lumalakas sa bawat galaw na para bang hangad nitong ako’y saktan. At ang boses na ito’y sumisipol sa aking tainga. Muntik ko na ngang maramdamang sumabog ang boses sa aking harapan ng biglang parang may sumipa sa aking mga paa’t ito’y napagalaw na hindi ko hinangad.

Hindi ko alam kung ano ang napasok sa aking isipan ngunit ako’y bigla na lamang napatalon ng wala sa oras at pagplano sa ilog. Hindi ko man lang din inisip ang lalim at kung may mga peligrosong hayop na nakatambay sa ilalim ng tubig at sumisisid, naghahanap ng karneng maaaring magbigay sustansiya sa kanilang tiyang hindi naman kayang busugin. Binuksan ko ang aking mga mata habang lumalangoy, kahit mahirap, at mabilisang sinipa ng malakas ang alon patungo sa kinailaliman. Dumaplis ang koral sa aking mukha’t nagulat, ngunit hindi man lang ako nakahanap ng niisang isda doon maliban sa mga batong buhay. Paubos na ang hangin sa loob ng aking bibig ng ako’y hinigop ng buhay ng mga halamang-dagat. Inikot nila ang kanilang mahabang mga kamay sa aking katawan at binalot ako gamit ang mga nakakapanindig-balahibong halaman na parang kanin. Hindi na ako nakailag sa bilis ng mga pangyayari. Ako’y napalaban ng husto, ngunit hindi rin nagtagal ang aking lakas, at ako’y nahimatay sa katagalan, nilamon ng buo’t dahan-dahang dumilim ang aking mundo’t isipan, na para bang lahat ng ito’y totoo, at kung totoo ma’y ako’y nagkamali sa isang bahagi ng aking buhay. Nais kong alamin ito’t baguhin, ihalintuwid at ayusin, nang ako’y malagay sa tahimik.

Nagising na lang ako bigla sa malambot na kama ng isang ospital. Ang unang bagay na bumulaga sa akin ay ang mukha ng isang mala-anghel na nars na nakatitig sa akin dala itong napakalapad na ngiti na ngayon ko lang naranasang maari palang mangyari sa isang tulad ko. ‘Kumusta?’ ang una niyang sinabi sa akin. Ako’y nagdedeliryo’t hindi malaman ang reaksyon. Sinubukan kong magsalita pero hindi ko mahanap ang sapat na lakas. Hindi nagtagal at muling naubos ang aking lakas, napatulog sa kamang mahimbing at bago pa man nangyari ang lahat ng iyon ay may ninakaw pa akong pagdarasal na sanang hindi na ako managinip pa ng mga hindi nakakaaliw na laro ng isip.

Isang malahiganteng puno ang gumulantang sa aking harapan ng ako’y magkamalay. Ako nama’y nakatayo lamang sa harapan nito’t nagmukhang mangmang. Sa ikalawang pagkakataon, wala akong makitang sinuman o anuman kahit saan maliban sa akin at ang puno, ngunit kami’y nakatayo sa berde’t mahalimuyak na parte ng isang tahimik na bukirin. Pinisil ko ang aking mukha sa pagbabaka-sakaling ako’y muling magising ngayong sigurado na akong ako’y tila nananaginip lamang. Ang totoo kong katawan ay nakahiga sa isang ospital at ako’y nag-aagaw-buhay.

Teka nga, paano ba nagsimula iyon?

Hindi ko na maalala. Sa ngayon ang hindi ko lubos maintindihan ay kung bakit ako’y naririto kasama ang malaking puno sa aking harapan. Bumalik ang simoy ng hangin nang ginalaw ko ang aking mga kamay sa parehong direksyon, at ang masikat na dilaw na araw sa itaas ay umakyat nang ginalaw ko ang kabila.

‘Sa lahat ay halatang-halata, ika’y hindi pa handa.’

Ako’y napalingon sa pinanggalingan ng mala-lalaking boses na hindi ko makilala ngunit wala namang tao kahit saan. Nagtataka, ako’y muling napahinto’t pinagmatiyagan ng mabuti ang aking kapaligiran. Ngayong nagsisimula na akong makarinig ng mga boses sa aking isipan. Ako ba ay nababaliw? Maaari nga siguro. Pero kung ganoon, ako ay hindi baliw, sapagkat kung ako ma’y totoong baliw, hindi ko maaring sabihing ako’y baliw, dahil hindi alam ng totoong baliw na siya nga’y baliw. Ako’y hindi baliw, pero nakakarinig ng mga boses sa aking isipan. Ano ako?

‘At hindi ka baliw,’ sabi ng boses. ‘Ako ang puno na tambayan ng sisiw. At ako’y ikaw sapagkat ako’y nanggagaling sa iyo. Ako’y gawa mo gamit ng iyong mundo.’

Nagsasalita na puno! At alam nito ang aking iniisip! Ako nga’y baliw!

‘Ikaw ay naguguluhan, tila nga ganyan,’ sabi ng puno. ‘Ngunit huwag kang mangamba, ako ay ang iyong alaala.’

Ako ma’y naninibago’t nananatiling naguguluhan, naalala kong ako pala’y nananaginip. Lahat ng mga bagay ay posible sa isang panaginip, sabi ko sa aking sarili, at pilit kong inayos ang aking bait at napatanong sa puno, 

‘Pero hindi kita lubos maintindihan.’

‘Ang buhay mo ay unti-unting nauubos, ang dating sigla ngayo’y pulbos,’ sagot ng puno.

Naaalala ko ang aking sariling nakahiga sa kama ng ospital. Pansin ko nga ang sinasabi ng puno, pero hindi nito sinagot ng mabuti ang aking tanong, pero sabi ko rito’y, ‘Hindi maganda iyan!’

‘Unang-una, huwag kang magulat. Gawa ka sa sarili mong aklat. Pangalawa ako’y ikaw, alam mo mismo kung paano ang galaw. Pangatlo naririto ako para iwasto ang mali, pero sa kalagayan mo kailangan mong magmadali.’

‘Anong ibig mong sabihing mali?’

‘Iyon ang misteryong nakabalot, nasa puso mo ang sagot.’

Hindi ko pa rin naintindihan ang bugtong ng higanteng punuan. Maya-maya’y umikot ang aking kapaligiran na parang hinigop ng alimpuyo. Hindi na ako nabahalang nakakasiguro na akong ako’y nananaginip lamang. Nang ako’y muling nagising, ako’y nakabalik na sa kama ng ospital. At ang una kong nakita sa pagbukas ng aking mga mata’y ang makinaryang tagapayo ng kalagayan ng pintig ng aking puso.

Comments

Popular posts from this blog

Spartacus Blood and Sand

Longstanding fascination with haiku

Verboten