Dos Destierro
'Pagsisisi, lagi na lang sa huli. Sa mga pagkakataong nakakalimot 'pagkat tayo'y tao lamang.'
Inihagis ni Enrico sa silid ang boteng may lamang alak, at sa panandaliang oras ay naramdaman nila itong lumutang ng ilang segundo bago ito bumagsak sa sahig at nabasag. Sa sobrang takot ng babae sa loob ng silid siya'y napasigaw, at ang reaksyon ni Enrico'y umalis na lamang at iwasang masangkot sa kaguluhang kanya mismong sinimulan. Lumubog ang mata sa iyak ang babae, hindi dahil sa boteng nabasag, ngunit sa kanyang nakitang reaksyon mula kay Enrico. Hindi niya inakalang magagawa niya ito sa tagal ng kanilang pagkakaibigan. Makikita mo sa kanyang mata ang kalungkutan at pagsisisi na sanhi ng kanilang nagbabagang hidwaan. Napaupo na lang siya sa kinatatayuan at hindi inasahang maturok ng nabasag na bote malapit sa kanyang tuhuran. Habang lumuluha'y namamangha siya sa pulang dugong lumalabas, at lalo pa niyang pinisil ito para lalong umagos.
Sumasabog sa galit si Enrico habang naglalakad. Sa kanyang isipa'y naniniwala naman siyang may karapatan siyang gawin ang kanyang nagawa. Habang siya'y bumababa sa mahabang hagdan ng malaking gusali ay nadaanan niya si Fe na nagkataong papuntang paakyat. Bigla siyang napahinto at nagsalubong ang kanilang mga mata. Pilit tumakas ang tingin ni Fe, halatang may nararamdamang matinding ilang sa kanilang dalawa.
'Fe,' bulong ni Enrico, hindi matukoy ang tono ng pananalita. 'Huwag mo naman akong iwasan.' Ngunit pinagpatuloy ni Fe ang paglalakad at lalo pa itong bumibilis, dinaanan lamang siya, at kasingbilis din niyang hinigpitang hawakan ang kanyang kaliwang siko sa kanyang inis. 'Akala mo ba,' nagsimulang tumulo ang luha sa kanyang namumulang mga mata. 'Hindi ko nahahalata ang galit mo sa akin?'
Galit na humarap sa kanya si Fe. 'Putang ina mo Enrico! Lahat kami pinapaasa mo! Ilan na ba kami sa koleksyon ng mga babae mo? Akala mo rin ba ako'y isang tanga para hayaang lokohin mo?!'
Mabilis na sumagot si Enrico. 'Nagkakamali ka sa iniisip mo, Fe.'
Matalas na nakatitig ang maginaw na mga mata ni Fe, kapos sa awa, sa mga malulungkot na mga mata ni Enrico.
'Mas lalong nagkamali kang sirain ang pagkakaibigan natin.'
Parang sumabog ang dibdib ni Enrico. Hindi niya maintindihan kung sa galit ba o sa lungkot pero sapat ng malaman ba hindi niya ito kayang pigilan. Binitawan niya ang siko ni Fe at mabilis naman itong tumakas paakyat sa hagdan. Saka niya lang natuklasang nagkasugat pala siya sa kanyang kamay malamang sa boteng kanyang tinapon. Hindi na niya ito binigyan ng pansin at nalugmok na lamang siya sa matinding paghihinagpis sa sarili, kinakain ng kanyang sariling pagkakasala.
Agad na pumasok si Fe sa silid kung saan natagpuan niya sa loob ang mahinang pangangatawan ng kaibigan na si Joan.
'Jo, gising!' Kinakalog niya ang braso ng kanyang kaibigan ngunit hindi ito sumasagot, nakayuko ang ulo at matamlay, parang hinigupan ng buhay. 'Jo, si Fe ito. Kaya mo bang tumayo?'
Hindi pa rin sumagot si Joan.
Pilit na kinayang angatin ni Fe ang kaibigan at sabay natuklasan ang labis na umaapaw na dugo mula sa kanyang paa. Nagulat siya sa kanyang biglang nakita. May mga bakas ang paa ni Joan ng matinding pinsalang natamo mula sa basag na bote na nakapaligid at parang ginuhitan ng pabilog na mga linyang walang kahulugan ito. Hindi niya lubos maisip kung paano niya ito natamo at natatakot siyang isiping gawa ito ni Enrico na nakakasiguro siyang nanggagaling dito't salarin sa mga pangyayaring naganap. Nang sa wakas napatayo niya rin ito, panandalian niyang sinandal ang katawan ni Fe malapit sa bintana upang ayusin ang sarili. Biglang may aninong nakatayo sa kanyang likuran na agad niyang tiningnan kung sino.
Si Enrico ay nakatayo sa pinto at hawak-hawak ang gilid, mapinsalang nakatitig ang marupok na mata sa dalawang babae sa kanyang harapan.
'Paano mo ito nagawa kay Joan?! Sira na ba ulo mo?!' matinding galit ang humuhubog sa utak ni Fe. Wala siyang ibang iniisip kung hindi ibuhos ang lahat ng sisi kay Enrico.
'Bitawan mo siya, Fe.' pabulong na isinigaw ni Enrico.
'Puta ka talaga, umalis ka na!' Hindi kayang pigilan ni Fe ang sobrang galit. Para sa kanya walang ibang nagkasala kung hindi si Enrico. Dahan-dahan niyang hinila ang katawan ni Joan patungo kay Enrico palabas.
'Subukan mong tawagin mo pa akong puta't magkikitaan tayo.' sabi ni Enrico, hindi nagpapakita ng kilos na siya lamang ay nagbibiro. Hindi maalis-alis ang nakakakilabot na maanghang na dilat ng mga mata ni Enrico kay Fe. Sa mga pagkakataong iyon, nauubos na rin ang lakas ni Fe at agad na agad na itong pinalitan ng takot.
'Huwag ka ngang magbiro ng ganyan, Enrico!' pati boses ni Fe nanginginig na. 'Delikado ang kalagayan ni Joan. Padaanin mo kami.'
Napangiti na lang si Enrico. 'Ang bait mo bigla, bakit kaya?'
Huminto si Fe sa harap ni Enrico at nakatayo sa ilalim ng kanyang anino, nararamdaman niya ang alak sa kanyang paa na nabuhos mula sa bote at alam niyang alak ito dahil na rin sa malakas nitong amoy.
Hindi nawala ang unang ngiti ni Enrico. 'Gusto mong dumaan?'
Biglang nabigyan muli ng lakas na loob si Fe at napasigaw, 'Putang ina, alis nga sabi eh!'
Agad sinuntok ni Enrico ng matindi si Fe sa mukha. Hindi na nakailag si Fe sa sorpresang natanggap at agad itong nahimatay sa sahig na puno ng basag-basag na salamin.
Saka na rin nagbago at nawala ang ngiti ni Enrico sa mukha. Siya ay napasimangot at nakababa ang kilay, ang bakas muli sa mukha ang namamaga't namumulang mga mata.
Habang gumagalaw si Enrico upang siguraduhing walang ibang tao sa paligid, kalahating dumilat ang mga mata ni Joan at nasilayan si Enrico sa paligid na nagmamasid. Sa hindi maipaliwanag na dahilan nagkaroon pa siya ng sapat na lakas upang ngumiti, at sa parehong pagkakatao'y kasingbilis din siyang nawalan ng malay.
'Puta ba kamo?' bulong ni Enrico, ngayo'y nakatuon ang buong pansin sa dalawang katawan ng mga babae sa harapan, at isinara niya ang pinto sa kanyang likuran. At agad ngayo'y nakabalot ang tatlo sa dilim.
Comments
Post a Comment