Proclamation Order 1081

Naghahalakhakan sa gitna ng dilim sa gubat kung saan napadpad ang mga magigiting na mga kalalakihan na galing Davao, umiinom ng mamahaling alak tulad ng Johnnie Walker pati Jack Daniels, upang ipagdiwang ang kabayanihang ipinamalas ng kanilang kapatid na si Janno at nailigtas nito ang isang grupo ng mga takas sa mapang-aping kamay ng mga Sibika.

Tumayo ang isang miyembro na si Efren sa kanyang kinatatayuan at itinaas ang kamay na may hawak na tagay ng alak. ‘Hindi ko lubos maisip na magsisimula na ang panibagong yugto ng ating paghihiganti. Lahat ng ating sinimulan mula nung unang araw ay hindi ko inakalang magkakaroon ng matinding impluwensiya sa ating samahan at sa ating kapwa. Ngayon, inialay ko ang ating mumunting tagumpay para sa milyun-milyon pang mga tagumpay na naghihintay sa ating kinabukasan!’ Lubos na tuwa ang kanyang naramdaman sa mga oras na iyon habang sabay-sabay na nilaklak ng kanyang mga kasamahan ang kanilang mga tagay nang tinulak niya ang kanya sa sariling lalamunan. Ang apoy na dumadaloy sa kanilang mga sikmura ay lalong nagbibigay ng sapat na lakas na kalimutan ang katotohanang sa kabila ng lahat, sila pa ri’y naghihirap. Na sa mga oras na iyon ay may sapat na pag-asa pang naghihintay sa kanila sa dakong bahagi ng lagusan. Ang matinding amoy na lumilibot sa kanila ay natakpan ng tuwa at biruan, at ang apoy na matinding lumiliyab sa gitna ng samahan ay nakakapang-akit. At sa mga oras na iyon hindi lubos maisip ni Santi ang hinaharap habang nakatingin sa gitna ng apoy, malayo ang isip sa selebrasyong pakiramdam niyang hindi naman siya sangkot.

May kaunti pa ring apoy ang natira sa lupa nang pumatak ang unang hirit ng araw sa umaga, ngunit ang mga lasing na katawan ng mga kalalakihan ay tila nakahandusay sa maruming sahig at sarado sa mundo, walang pakialam. Maagang nagising sina Efren at Janno na parang may pinapatunayan sa karamihan, maaaring upang ipakita na sila’y karapat-dapat na mamuno sa grupo. Ang tunay na pinuno nila ay nakaluklok lamang sa posisyon dahil sa kanyang posisyon sa kapulisan nung mga nakaraang taon, at hindi dahil dito’y para bang ayaw niyang masangkot sa rebeldeng grupong ito dahil sa kanyang hanay kamakailan, bago pa man nangyari ang pagpupurga. Dumaan sina Efren at Janno sa malapit na sapa upang maghilamos. Naroroon si Santi upang magpalamig ng kanyang mga paa. Ang susunod na biyaheng kanilang tatahakin ay siguradong nakakapinsala sa paa at naisipan niyang ipaghanda ito sa anumang pagsubok na maaaring mangyari.

‘Lalasunin mo yata kami ng mga paa mo, Santi. Mag-ingat ka naman, may umiinom sa tubig dito,’ pabirong sinabi ni Efren, nakangiti, kay Santi, na nakatingin lamang sa sariling anino sa sapa. ‘Hindi ka na nga uminom, papatayin mo pa kami!’ sigaw ni Janno. Sabay na tumawa ang dalawa at pinagpatuloy ang paghihilamos.

Habang naghihilamos, naisipan ni Santi na ilahad ang kanyang saloobin sa dalawa. Ilang oras niya hinintay ang pagkakataon ngunit naudyot dahil sa kasiyahan naganap nung gabing iyon.

‘Kagabi, habang nagsasaya ang lahat,’ biglang bulong ni Santi. ‘May mga bagay na biglang pumasok sa isip ko.’ Napahinto si Efren sa ginagawa, at habang hindi gaanong interesado ay pinilit sakyan ang drama ng bata, at napatanong, ‘Ano naman ‘yun?’ Pinunasan niya ang mukha gamit ang kanyang sando. ‘Bakit ba tayo nagpapaalipin sa gobyerno natin ngayon? Bakit kailangan natin isakripisyo ang ating mga sarili’t kapwa upang bigyan ng magandang kinabukasan ang mga tao kahit hindi pa naman nabibigyan ng muwang sa mundo? Bakit ba pinipilit nating ipaglaban ang lupang hindi naman kailanman magbibigay-pasasalamat sa atin paghihirap hangga’t tayo’y nabubuhay? At bakit ba napapangiti tayo sa tuwing napapalapit sa atin ang konsepto ng tagumpay kung alam naman nating ito’y kathang-isip lamang? Lahat ng ginagawa natin -- ninyo, ay kalokohan na kailangan wakasin bagamat ito’y nagdudulot lamang ng maling adhikain.’ Napahinto rin si Janno sa paghihilamos. ‘Putang ina mo brad. Napaka-negatibo mo naman! Ginagawa nga natin ang lahat para rin sa ikagaganda ng ating buhay!’ Nabalin ang tuon ng mga mata ni Santi kay Janno. ‘Bakit, Janno? Gaano ba kaganda ang buhay mo bago pa nangyari ang kaguluhan? Hindi ba’t ika’y iskwater at walang trabaho, dating nakatira sa ilalim ng tulay at umaasang mabuhay sa basura ng mga mayayaman? Ang asawa mo nagtitinda ng katawan sa mga Sibika bago pa man ito pinagsawaan at pinaslang.’ Lumiyab ang mga mata ni Janno at dumilim ang paningin, tumigas ang kanang kamay na handang ipasubo kay Santi, pero pinigilan ito ni Efren. Tinulak ni Efren si Janno palayo at mahigpit na niyakap dahil alam nitong maari niyang patayin ang kaibigan sa mga oras na iyon. Patuloy na nagmura si Janno habang nakaupo lamang at tiwasay sa kinalalagyan si Santi.

‘Huwag mo na patulan! Hayaan mo, ako na ang bahala!’ sabi ni Efren kay Janno. Ang totoo, hindi alam ni Efren ang gagawin. Gusto niya lamang matahimik ang nagraragasang kaibigan. Kumalma rin si Janno hindi nagtagal. ‘Putang ina niya, p’re. Ano bang gusto niya mangyari? May ginawa ba tayo sa hayop na ‘yan?’ Binitawan na ni Efren ang kaibigan. May gustong sabihin si Efren sa kaibigan ngunit may pumipigil sa kanya. Hindi niya rin napigilan at sinambulat niya rin ang saloobin. ‘Namatay si Saniel kahapon sa engkwentro,’ inamin ni Efren, ang kanyang ulo ay nahuhulog pababa maaaring dahil sa hiya. ‘Magkasabay kaming sumalubong sa lungga ng mga Sibika at doon naisipan niyang maghiwalay kami pakaliwa’t pakanan para surpresahin ang mga kalaban. Plano niyang bigyan kami ng sapat na oras para kunin ang mga bitag habang nakatuon-pansin sa kanya ang mga ito. Hindi kami nagtagumpay. Buti na lamang at dumating ka at ang pulutong mo.’ Hindi maintindihan ni Janno ang nararamdaman, na para bang tinatali ang kanyang mga bituka at gusto niyang masuka. Umiikot ang kanyang isip at bumubulong ng mga bagay na hindi niya naman agad naisip. ‘Pero, p’re, paano nangyari ‘yun? Hindi ba’t isang pulutong ang sumama sa inyo sa operasyon? Paanong nagawa ng mga Sibika na taubin si Saniel?’

Hindi makayanang tingnan sa mukha ni Efren si Janno. ‘Bago pa man nangyari ang lahat, lumapit sa amin si Santi. Hindi, si Santi mismo ang lumapit sa kapatid niya. Siya ang nagbigay-detalye sa amin tungkol sa mga bihag. Pumayag naman kami agad na iligtas ang mga ito. Nais niyang sumama at lumaban kasama ang kanyang kuya, ngunit hindi siya pinayagan ni Saniel. Alam niyang masyadong delikado ang sitwasyon. Nagdadabog siya palabas ng silid na iyon, at sinabi ni Saniel sa akin, “Kung hindi man tayo makakabalik ng buhay, ayaw kong kasama ang kapatid ko sa impyerno. Dapat lang na may matira dito at handang ipaghiganti anumang mangyari sa atin.” May kutob na ako noon, pero sa mga oras na iyon hindi ko inakalang mangyayari ito agad sa bilis ng panahon.’ Hindi makaimik si Janno sa mga narinig. Para sa kanya, unti-unti niyang nauunawaan ang nararamdaman ni Santi. Pakiramdam niya sinisisi siya nito sa mga pangyayari. Ang bayaning hindi naman pinaghirapan ang pinagpupunyagi. Ngunit hindi rin mapigilan ni Santi na sisihin ang sarili. Siya mismo ang nagbigay ng detalye tungkol sa mga bihag na ikinamatay ng kanyang kapatid na si Saniel, at kung pumayag lamang ito at pinilit niya ang sarili na sumama ay maaaring maisalba niya ang kuya sa kapahamakan. Pero ayaw aminin ni Santi ito, dahil kung tuluyan niya itong gagawin ay lalabas na kasalanan din ni Saniel ang lahat. Sa huli, alam niyang lahat ng pagsisisi ay mahuhulog maaaring sa kanya o sa Sibika, ngunit ang kalaban ay hindi kailangang bigyan ng pagkakataon upang sisihin, dahil parang binigyan mo rin ito ng dahilan para depensahan ang sarili. Sapat na na sila’y papatayin agad, walang paliguy-ligoy pa. Ngayo’y naglulugmok ito sa pagsisisi at galit, handang patayin ang mga may dahilan sa pagkasawi ng kapatid. Ngunit patay na rin ang mga may kasalanan, at lalo lamang itong umaapaw sa paghihinagpis dahil hindi man lang siya pinatikim ng paghihiganti. Naniniwala siyang karapatan niya iyon bilang isang biktima. Ngunit, muli niyang natanto, huli na ang lahat.

Bumalik ang dalawa sa kampo kung saan unti-unting gumigising at bumabangon ang mga lalaking lasing. ‘Delikado ang grupo sa presensya ng Santing ‘yan, Efren,’ bulong ni Janno.

Nagulat si Efren sa narinig. ‘Nasisiraan ka rin ba ng bait tulad ng batang ‘yun?! Ano’ng gusto mong ‘gawin ko? Ipapatay siya sa isa sa ating mga tauhan?!’ ‘Hindi ‘yun ang nais kong ipagawa sa ‘yo. Isipin mo na lang din ang epekto nito sa moral ng ating kapatiran! Pilit niyang sisirain ang mga naitaguyod na nating mga bagay!’ Hindi pa rin maintindihan ni Efren ang gustong ipahiwatig ng kaibigan. ‘Ano nga ang nais mong gawin ko sa kanya? Kung ipapahamak mo lang si Santi ay sisiguraduhin kong ako mismo ang papatay sa iyo.’ Lalong nadismaya si Janno sa sinabi ni Efren para isiping ganung klaseng tao siya. ‘Hindi mo ako lubos naiintindihan p’re. Ang inimumungkahi ko lang ay ilagay mo siya sa isang lugar na hindi niya maimpluwensiyahan ang isipan ng mga kasamahan. Balang araw tuluyang masisira ang isip niyan at tayo ang una niyang ipapatumba.’ Nainsulto naman si Efren sa sinabi ni Janno. ‘”Tayo”? Sino ba ang tinutukoy mong “tayo”?’


Itinaas ni Santi ang mga nalublob niyang paa sa sapa at hindi pa rin maalis sa isipan ang inis. Pakiramdam niya bigla siyang sasabog anumang oras na sumunod. Isinuot niya ang medyas at ang sapatos na dating pinagmamay-arian ni Saniel. Tinali niya ang liston ng mahigpit at naalala ang mga panahong siyang pinapangaralan ng kapatid. Mahigpit magmahal si Saniel sa kanya. Lahat ng ginagawa niya hinahanapan ng mali. Isang araw, naisipan ni Santi na magnakaw ng tinapay sa panaderya, hindi dahil sa gutom siya, kung hindi dahil sa panadero nitong ubod ng sungit at puno ng poot para kay Santi. Nahuli siya at dinala sa kapatid, at sa harap ng panadero’y sinuntok siya ng matindi sa mukha bigla. Agad naman namaga at dumugo ang isang bahagi ng pisngi. Hindi nagkaimikan ang dalawa, at planong itaboy ni Santi ang kuya, ngunit nirerespeto pa rin niya ito dahil siya ang nagmistulang pamilya sa buhay nila. Hindi niya nakilala ang kanilang ama’t ina, at hindi rin siya nag-alala tungkol dito. Sapat na kay Santi na naroroon si Saniel para sa kanya, kahit pa man malupit itong mamahagi ng pagmamahal. Makalipas ang tatlong araw ay napatawad na niya si Saniel sa suntok, at siya mismo’y humingi ng tawad dito. ‘Sa panadero ka humingi ng paumanhin,’ bulong ni Saniel, habang nakayakap si Santi sa kanyang sinturon. ‘Pero, kuya, gago kasi siya.’ Ngumiti na lang si Saniel, at siya naman napatawa.
Dumating si Allan sa kanyang likuran, isang miyembro na maituturing niyang pinakamalapit na kaibigan. ‘Sabi ko na nga ba nandito ka lang. Hinahanap ka ni Ka Francisco. Tara, bumalik na tayo. Aalis na tayo pagkatapos ng apat na oras na paghahanda.’

‘Kalokohan. Bumalik saan? Para saan pa?’ inisip ni Santi.

‘May narinig akong masamang tsismis. Alam kong totoo dahil sa kinikilos mo ngayon, pero sana huwag kang magpakahina dahil lang diyan,’ payo ni Allan. Tumayo si Santi ng matuwid pagkatapos niyang ayusin ang liston at nakatingin kay Allan at pilit nakangiti. ‘Huwag mo na akong alalahanin pa, Allan. Ayos lang ako.’


Sa harap nina Santi at Allan ay si Ka Francisco, ang hinirang na pinuno ng rebeldeng grupong Armas, ang grupong kanilang kinasasangkutan. Nakaupo si Ka Francisco sa upuan habang may sinusulat na papeles, malalim ang iniisip at abala sa gawain. Medyo may katandaan, pumuputi ang buhok pati bigote, may katabaan, at may mukhang parang parating galit. Kahit ganito’y may maipapamalas pa rin itong kakaibang lakas at  pag-uugaling naghahanap ng respeto.

‘Santi, Allan,’ biglang bigkas ni Ka Francisco, kahit hindi pa rin maalis ang tingin sa papel sa lamesa. ‘Magandang umaga sa inyong dalawa. Pasensya na at marami akong inaasikaso. May narinig akong malungkot na balita tungkol kay Saniel. Totoo ba ito?’

‘Opo, totoo ang mga balita. Patay na ang aking kapatid. Inialay niya ang kanyang buhay upang mailigtas ang mga bihag na kanilang iniligtas kahapon.’ Hindi gaanong kumibo si Ka Francisco sa kinauupuan na para bang alam na niya ang sagot. Binaba niya ang hawak niyang lapis sa kamay at tinanggal ang salamin sa kanyang mata at isinantabi ang mga ito. Gamit ang matatamlay nitong mga mata ay tinitigan niya si Santi.

Nang maingay niyang samyuhin ang hangin sa paligid, hindi niya napigilang mapatayo, bigyan ng galang ang tao sa kanyang harapan. Ito ang paraan niya upang makikiramay. ‘Bago pa man mangyari ang pagpupurga, alam kong malayo ang aabutin ng kapatid mo. Nasa pulisya pa ako noon at siya’y katatapos pa lamang ng haiskul. Agad siyang naging tanyag nang tinuro niya sa amin ang sekretong lugar ng mga pusher ng droga sa inyong lugar. Naaalala ko ang mga panahong iyon. Matagal namin tinugis ang mga saralin bago pa namin natanggap ang mensahe ni Saniel. Isang malaking sindikato na may politikong sangkot. Mula noon ay binibigyan namin ng importansya ang mga bagay na ibinabahagi niya sa amin. Alam kong malayo ang aabutin ng batang ito. Tinanong ko siya, “Mag-kokolehiyo ka na bata, ano bang gusto mong gawin?” At sinagot niya naman ako, “Maging abogado.” Para daw lalo niya kaming matutulungan malutas ang problema sa gobyerno at sa lahat ng maling takbo ng pamamalakad. Siyempre, ako’y namangha. Buti pa ang batang ito, may matinding prinsipyo at direksyon sa buhay. Kaya nung nangyari na ang pagpupurga, hindi na ako nagdalawang-isip gawin siyang ikalawang pinuno ng himagsikan. Alam kong malayo iyon sa abogasya, pero mas makakatulong siya sa kanyang kapwa dahil doon. Dahil sa atin. Dahil sa kanya.’

‘Sadyang mapaglaro ang tadhana,’ sagot ni Santi, pilit iniiwasang maging emosyonal. ‘Pagbigyan niyo ang aking hiling, Ka Francisco.’

Tinaas ni Ka Francisco ang noo sa direksyon ni Santi. ‘Anong kahilingan ang ibig mong sabihin?’

‘Iluklok mo ako sa dating posisyon ni kuya. Gagampanan ko ang kanyang mga adhikain ayon sa kanyang kagustuhan, ibibigay ko muli ang dangal na nararapat ibigay sa kanya nung siya pa’y nabubuhay, sisiguraduhin ko ang tagumpay natin laban sa mga Sibika, at sisiguraduhin ko rin, gamit ang sarili kong pamamaraan, na pagbabayaran nila lahat ang ginawa nila sa aking kapatid.’

Comments

Popular posts from this blog

Spartacus Blood and Sand

Longstanding fascination with haiku

Verboten